Di
ko inakala na magiging mahirap para sa akin ang nagdaang huwebes santo, byernes
santo at sabado de Gloria. Bukas, easter Sunday, muling pagkabuhay, ang goal ko
ay mabuhay din sa akin ang mga bagay na nagpapalakas sa akin bilang ako, yung
mga bagay na nagbibigay depinisyon sa kung sino talaga ako. Napakalungkot ng
pinagdaanan kong tatlong araw. Napakadilim. Napakaikli at napakababaw ng aking
naging pananaw.
Di
ko tiyak kung depression ba ito. Pero, mild lang naman kung depression nga.
Na-miss kong makipag-usap sa nanay ko, na-miss ko ang pakiramdam na nagiging
okay ako kapag nakakausap ko siya, kapag nagkukwento siya. Siya yung nagbibigay
sa akin ng pakiramdam na nandito ako sa bahay. Na hinidi lang ako bumababa sa
salas para kumain. Sana ay hindi rin niya nararamdaman iyon, o kung naisip man
niya, sana ay hindi ganuon ang epekto tulad ng nangyayari sa akin.
Na-miss
ko ang mga kaibigan ko. Na-miss ko ang mga taong nagbibigay sa akin ng ngiti,
kwento at inspirasyon. Kahit na hindi ako ganuon ka-expressive na tao, nami-miss
ko rin sila. Na-miss ko ang magsulat. Ang aminin ang sakit o bigat ng kalooban
na nadarama sa pamamagitan ng pagsusulat. Na-miss ko ring ipahayag kung gaano
ako kasaya. Naging duwag na naman ako, o palagi naman, na harapin ang mga multo
sa loob ko. Nakalimutan ko ang mga pangarap ko. Nakalimutan ko na hindi lahat
ng ginagawa ko ay ako. Na may iilang bagay lang talaga at may iilang tao lang
ang makapagsasabi kung sino ako. Inakala ko na lahat na lang ng bagay ay ako.
Akala
ko ay hindi na ako babalik sa lugar na ito. Pero, hindi naman siguro lahat ng
pagbalik ay negatibo. Bumalik ba ako para magsimula ulit? Wala naman akong
magagawa pang iba, kahit na paulit-ulit na. Kaya, sige na lang. Ganun na lang.
Sana naman may mabago na talaga.